Inilahad ng mga abogado ng mga biktima sa International Criminal Court (ICC) na ang kampanya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa ilegal na droga ay higit na “laban sa mahihirap” dahil target nito ang mga mamamayan mula sa low-income communities.
Ayon kay Atty. Gilbert Andres, dehumanized ni Duterte ang mga biktima sa kanyang mga pampublikong pahayag, na nagbigay-daan sa pagpatay sa kanila sa harap ng kanilang pamilya at komunidad, nang walang due process. Marami sa mga biktima ay tinaguriang “na-tokhang” o “nanlaban” kahit walang judicial declaration, at nilalagyan pa ng ebidensya ng droga o armas bilang bahagi ng modus operandi.
Dagdag ni Andres, ang mga naiwang pamilya ng biktima ay patuloy na nakararanas ng stigma, pananakot, pang-aapi sa mga anak, at matinding epekto sa kanilang kalusugan at kabuhayan. Dahil karamihan sa mga biktima ay breadwinners, nagdulot din ang kanilang pagkamatay ng karagdagang kahirapan at pagkasira ng pamilya.
Pinunto rin ng prosecution ang malawak at sistematikong pagpatay na isinagawa sa ilalim ng “common plan” ni Duterte, na nagsimula sa Davao City at pinalawak sa buong bansa noong siya’y presidente. Ipinakita ang mga ebidensya ng death lists at mga pahayag ni Duterte na ipinagmamalaki ang pagpatay sa mga umano’y drug users.
Ayon kay Atty. Paolina Massidda, pangunahing counsel ng mga biktima, ang ebidensya ay sapat para sa confirmation of charges, at mahalaga ito para sa katarungan at integridad ng international criminal justice.
Sa kasalukuyan, ang hearing ay nagpapatuloy, hindi bilang paglilitis kundi para timbangin ng mga hukom kung may sapat na batayan upang isagawa ang full trial. Si Duterte, na 80 taong gulang, ay hindi personal na dumadalo sa hearing ngunit itinuturing ng korte na may kakayahan siyang harapin ang proceedings. Siya ay kinakaharap ang tatlong counts ng crimes against humanity kaugnay ng umano’y 76 na pagpatay mula 2013 hanggang 2018.











