--Ads--

Inamin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may lumapit sa kanya na isang abogado ng isa sa top 15 contractors na nakakuha ng flood control projects mula sa gobyerno.

Ayon kay Remulla, maaaring magsilbing whistleblower ang nasabing abogado matapos nitong isiwalat ang mga impormasyon kaugnay ng proyektong nagkakahalaga ng P5 bilyon sa Central Luzon na umano’y mga “ghost projects.”

Bilang posibleng whistleblower, maaari nitong ilahad sa gobyerno ang mga modus operandi, iregularidad, at umano’y hatian ng pera sa proyekto.

Dagdag pa ni Remulla, hinihintay niya ang iba pang mga dokumentong ibibigay ng naturang abogado.

--Ads--

Kung tuluyang magdedesisyon ang abogado na maging whistleblower, kinakailangan lamang nitong magsumite ng pormal na liham sa gobyerno upang ipahayag ang kahandaang isiwalat ang nalalaman hinggil sa mga iregularidad.

Matatandaang naglunsad ng imbestigasyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa mga nasa likod ng maanomalyang flood control projects.