--Ads--

Tumaas ng 22% ang net worth ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2025, batay sa kanyang pinakabagong Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), na umabot sa ₱475.93 milyon.

Ayon sa datos, patuloy na tumataas ang declared net worth ng Pangulo mula nang maupo siya noong 2022. Noong 2022 ay nasa ₱371.49 milyon ito, tumaas sa ₱381.45 milyon noong 2023, at naging ₱389.36 milyon noong 2024.

Ang ₱86.57 milyong pagtaas ngayong 2025 ay pangunahing bunsod ng paglobo ng kanyang cash at bank deposits. Tumaas din ang kanyang investments mula ₱134.19 milyon noong 2024 at umabot sa ₱178.6 milyon ngayong 2025.

Bukod dito, nadagdagan din ng ₱3.6 milyon ang koleksyon ng alahas ng Pangulo, habang mayroon din siyang 138 piraso ng paintings. Kabilang dito ang 1883 Jose Rizal artwork na umano’y naipagkaloob noong 1993 at ngayon ay tinatayang nagkakahalaga ng ₱3 milyon.

--Ads--

Isa sa pinakamahal niyang artwork ay ang obra ni Fernando Amorsolo na nabili sa halagang ₱3.04 milyon noong 2022 ngunit tumaas na ang halaga sa ₱8 milyon as of December 2025. Mayroon din siyang koleksyon ng mga obra ni Ben Cabrera na kabuuang tinatayang ₱11.65 milyon.

Kasama rin sa kanyang mga ari-arian ang ilang mamahaling sasakyan tulad ng Mercedes-Benz Maybach na nabili sa ₱10.5 milyon noong Abril 2023 at GMC Yukon Denali XL na nabili sa ₱9.5 milyon noong Agosto 2022.

Batay sa SALN, may kalakip ding appraisal report mula sa Cuervo Appraisers, Inc., kung saan tinatayang umaabot sa ₱1.457 bilyon ang kabuuang appraised net worth ng Pangulo.

Wala rin umanong nakatalang outstanding loans o utang ang Pangulo mula 2022 hanggang 2025.

Matatandaang noong Oktubre 2025, sinabi ng Malacañang na handa si Marcos na ipalabas ang kanyang SALN sa “proper authority,” alinsunod sa alituntunin ng Ombudsman kasunod ng mga alegasyon ng korapsyon kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects noong nakaraang taon.