Inihatid na sa kanyang huling hantungan ngayong umaga ang yumaong si Quirino Governor Dakila Carlo Dax E. Cua matapos ang mga seremonyang isinagawa sa Heritage Memorial Park sa Taguig City.
Nagsimula ang mga seremonya sa Funeral Mass alas-7 ng umaga sa Heritage Memorial Chapel, sinundan ng convoy departure alas-8, at Blessing and Interment alas-9 sa Manila Memorial Park.
Pumanaw si Cua noong Setyembre 15 sa edad na 48 matapos ang 25 taon sa serbisyo publiko.
Nagsimula ang kaniyang political career sa edad na 23 nang mahalal bilang bise gobernador ng Quirino noong 2001. Naging gobernador siya mula 2007 hanggang 2010 at muli noong 2019 hanggang sa kaniyang pagpanaw, habang nagsilbi rin bilang kinatawan ng Lone District ng Quirino mula 2010 hanggang 2019.
Kabilang sa mga naging ambag ni Cua bilang mambabatas ang pagiging pangunahing may-akda ng Republic Act No. 10230 na nag-convert sa Quirino State College bilang Quirino State University, at Republic Act No. 10963 o TRAIN Law.
Sa lokal na pamahalaan, isinulong din niya ang I Love Quirino movement para sa turismo at moral recovery, gayundin ang Q-LIFE o Quirino Livelihood for Everyone na nagbibigay ng livelihood support sa mga pamilya sa lalawigan.
Bago ang kaniyang libing, nagsagawa rin ang House of Representatives ng necrological service para kay Cua noong Setyembre 21 bilang pagkilala sa kaniyang naging serbisyo bilang dating kongresista at gobernador.
Dumalaw naman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa burol ni Cua noong Setyembre 23 upang makiramay sa pamilya at magbigay-pugay sa kaniyang 25 taon sa serbisyo publiko.











