Ilang araw pa lamang matapos maupo si Senador Alan Peter Cayetano bilang bagong Senate president, umuugong na ang posibilidad ng panibagong pagbabago sa pamumuno ng Senado.
Isinusulong ngayon si Senador Juan Miguel Zubiri bilang posibleng susunod na Senate president, na maaaring maisakatuparan umano pagsapit ng Lunes, Mayo 18.
Itinuturing si Zubiri bilang isang consensus candidate na posibleng makatulong sa pagpapakalma ng umiiral na tensyon at pagbibigay ng mas balanseng liderato sa nahahating Senado.
Ayon sa mga ulat, maaari niyang gamitin ang tinatawag na seatmate bloc upang makuha ang kinakailangang 13 boto para maagaw ang pinakamataas na posisyon sa Senado.
Nauna nang ibinahagi ni Cayetano ang umano’y plano ng bagong minority bloc na patalsikin siya sa puwesto bilang Senate president.
Sa isang press briefing, sinabi ni Cayetano na abala umano ang naturang grupo sa pakikipag-usap sa ilan nilang mga kasamahan upang muling mahikayat ang mga ito na sumama sa kanilang hanay.
Dagdag pa niya, may mga nagaganap umanong pag-uusap at pananakot, bagama’t iginiit niyang hindi na bago ang ganitong mga hakbang sa pulitika ng Senado.











