Boluntaryong isinuko ng apat na small retailers sa Benito Soliven, Isabela ang 276 packs ng umano’y non-tax-paid cigarettes na nagkakahalaga ng ₱19,408 matapos maipaliwanag sa kanila ng mga awtoridad ang posibleng pananagutan sa pagbebenta ng ilegal na sigarilyo.
Isinagawa nitong Agosto 29, 2026 ang joint visit and inspection ng mga tauhan ng Benito Soliven Municipal Police Station, katuwang ang mga kinatawan ng PROCAST at Philippine Tobacco Corporation, sa mga piling retail establishments sa Barangays Andabuen, Maluno Sur, Punit at San Carlos.
Mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon, isinagawa ang information drive at inspection upang ipabatid sa mga retailer at wholesaler ang mga panganib at legal na pananagutan sa pagbebenta ng ilegal at non-tax-paid cigarette products.
Ipinaliwanag din sa mga retailer ang mahahalagang probisyon ng Republic Act No. 12022 o Act Defining the Crimes of Agricultural Economic Sabotage, kabilang ang posibleng epekto ng paghawak o pagbebenta ng mga produktong hindi dumaan sa wastong taxation at regulatory requirements.
Matapos ang briefing, kusang isinuko ng apat na concerned retailers ang kanilang mga produktong pinaniniwalaang non-tax-paid cigarettes.
Kabilang dito si alyas “Jane,” 25-anyos at may-ari ng Lanie Store sa Barangay Andabuen, kung saan nakolekta ang iba’t ibang brand gaya ng New Berlin, Marshall, Commando, RGD, Cannon at Golden Leaf.
Sa Barangay Maluno Sur, boluntaryo namang isinuko ni alyas “Mary,” 46-anyos at may-ari ng Raquel Store, ang mga Bon Nise cigarettes.
Samantala, sa Barangay Punit, nagsurrender sina alyas “Michelle,” 63-anyos at may-ari ng Norma Store, at alyas “Peter,” 18-anyos at may-ari ng Ramos Store. Kabilang sa mga produktong isinuko mula sa kanilang mga tindahan ang New Berlin at Bravo cigarettes.
Sa kabuuan, umabot sa 276 packs ang mga boluntaryong isinukong sigarilyo na may tinatayang halagang ₱19,408.
Kabilang sa mga brand ang New Berlin, Marshall, Commando, RGD, Cannon, Golden Leaf, Bon Nise at Bravo.
Matapos ang boluntaryong pagsuko, isinagawa naman ng mga kinatawan ng PROCAST at Philippine Tobacco Corporation ang kaukulang disposal o destruction ng mga nasabing cigarette products.











