Umabot sa ₱356,000 ang halaga ng mga uncertified products na nakumpiska ng Department of Trade and Industry (DTI) Region 2 sa patuloy nitong monitoring at enforcement operations sa Lambak ng Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rashid Bautista, Advocacy Unit Head ng DTI Region 2, sinabi niyang bagama’t may mga establisimyentong patuloy na nagbebenta ng mga produktong walang kinakailangang quality markings, bumaba naman ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang produkto ngayong taon kumpara sa mga nakaraang taon.
Kabilang sa mga karaniwang nasisita ang mga electrical appliances, lighter at electrical wires na walang kinakailangang Philippine Standard (PS) mark o Import Commodity Clearance (ICC) sticker.
Ayon kay Bautista, nagsasagawa ang DTI ng mga sorpresang inspeksyon sa mga establisimyento, kung saan karaniwang tatlo hanggang apat na bayan ang kanilang napupuntahan sa loob ng isang araw upang matiyak na hindi naitatago ang mga produktong lumalabag sa mga pamantayan.
Sa Isabela, kabilang sa mga lugar na napuntahan ng monitoring team ang Sto. Tomas, Sta. Maria, Cabagan at Delfin Albano. Sa Cagayan naman, kabilang ang Sta. Ana, Buguey, Gonzaga at Sta. Teresita.
Pinaalalahanan din ng DTI ang mga mamimili na suriing mabuti ang quality markings ng mga produktong bibilhin upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa itinakdang pamantayan.
Samantala, sinabi ni Bautista na maaaring patawan ng kaukulang kaso at parusa ang mga establisimyentong mapatutunayang lumabag, depende sa uri ng paglabag at halaga ng mga nakumpiskang produkto.











