Tinatayang mahigit-kumulang ₱1 milyon ang halaga ng ari-arian ang natupok sa sunog na sumiklab sa isang furniture shop sa Cauayan City.
Ayon kay Jayron Paclarin, may-ari ng shop, kagagaling lamang umano nila sa burol ng isa sa kanilang kapitbahay bago ang insidente. Pag-uwi, inikot pa niya ang kanilang furniture shop upang i-double check ang kalagayan ng mga wirings at makina. Matapos masigurong maayos ang lahat, pumasok na sila sa kanilang bahay.
Ngunit makalipas lamang ang ilang minuto, nagulat sila nang sumigaw ang kanilang mga kapitbahay. Sa una ay hindi pa umano sila lumabas, subalit nang marinig nilang nasusunog ang kanilang shop, agad silang nagmadaling lumabas.
Labis ang panlulumo ng may-ari nang masaksihan na nilalamon na ng apoy ang kanilang negosyo na halos pitong taon na nilang itinaguyod. Dagdag pa niya, nakatakda na sanang i-deliver nagyong araw ang ilang mga furniture, ngunit sa kasamaang-palad ay nadamay at nasunog ang mga ito.
Sa ngayon, nasa ilalim pa rin ito ng imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng naturang sunog.











