Nasamsam ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 4,079 board feet ng ilegal na troso ng narra na tinatayang nagkakahalaga ng ₱2 milyon matapos masita sa isang anti-criminality checkpoint sa Barangay Nagsabaran, Diadi, Nueva Vizcaya, nitong Setyembre 9.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Marvin Deculing, Platoon Leader ng 2nd Maneuver Force Platoon ng 1st Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company, napara sa anti-criminality checkpoint ang isang Isuzu Forward Truck na may kargang mga niyog habang bumabyahe patungong Maynila.
Ayon kay PCapt. Deculing, nagpakita ang drayber ng mga dokumento para sa kargang niyog, ngunit may petsang Pebrero 2026 ang mga ito, dahilan upang magsagawa ng mas mahigpit at masusing inspeksyon ang mga pulis.
Dito nasilip at natuklasan sa ilalim ng mga niyog ang mga troso ng narra na umano’y itinago bilang concealment. Nang hingan ng kaukulang dokumento ang mga troso, agarang tumakbo ang drayber at ang helper nito sa magkaibang direksyon.
Agad nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis, ngunit nahirapan silang tugisin ang mga suspek dahil sa madilim, matarik na daan at maulan na kondisyon sa kabundukan ng Diadi.
Ayon kay Pcapt. Deculing, nakilala na ang mga suspek dahil sa ibinigay nilang mga dokumento gaya ng ORCR ng truck at mismong driver’s license bago tumakas. Ang isa ay itinago sa alyas na “Jepoy” 28 years old, habang ang isa sa mga ito ay taga-Mountain Province.
Matapos ang isinagawang inventory ng CENRO Aritao at DENR, nakumpirmang nasa 4,079 board feet ang mga nasamsam na troso na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱2 milyon.
Patuloy na tinitingnan ng kapulisan ang posibilidad na nagmula ang mga ito sa Paracelis, Mountain Province at nakatakdang dalhin sa Maynila kung saan mas mahal ang mga troso ng narra.
Samantala, inaasahang isasampa na ngayong araw ng Biyernes ang kasong paglabag sa Presidential Decree No. 705 o Revised Forestry Code of the Philippines laban sa drayber, pahinante at may-ari ng truck.











