--Ads--

Arestado ang isang 57-anyos na lalaki matapos makitaan ng baril habang natutulog sa Bypass Road, Barangay Homestead, Bambang, Nueva Vizcaya kagabi, Setyembre 10, 2026.

Kinilala ang suspek sa alyas na Boying, walang asawa at walang trabaho, at residente ng Centro, Barangay San Fabian, Nueva Vizcaya.

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng report tungkol sa isang lalaking natutulog sa lugar na umano’y may nakasukbit na baril sa baywang, kaya agad itong pinuntahan at bineripika ng mga tauhan ng Bambang Police Station.

Pagdating sa lugar, nakita ng mga pulis ang suspek at nang lapitan ito, napansin ang hawakan ng baril na nakasukbit sa kaniyang katawan.

--Ads--

Nakumpiska mula sa suspek ang isang caliber .38 revolver. Nang hingan ng kaukulang dokumento para sa pag-iingat ng armas, wala umano itong naipakita kaya agad itong isinailalim sa imbentaryo.

Dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.