Nilinaw ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO ang kanilang paninindigan kasunod ng mga pangamba at reklamong inilahad ng mga environmental defenders at iba’t ibang grupo hinggil sa presensya ng pulisya sa mga lugar na apektado ng pagmimina sa lalawigan.
Sa isang pahayag, sinabi ng NVPPO na iginagalang nila ang karapatan ng mga mamamayan na magpahayag ng kanilang saloobin, magsagawa ng mapayapang protesta, at pangalagaan ang kalikasan.
Ayon sa pulisya, ang paglalagay ng mga tauhan sa mga komunidad ay para lamang sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaligtasan ng publiko at pag-iwas sa anumang kaguluhan, at hindi upang pumanig sa alinmang panig sa usapin ng pagmimina.
Nilinaw rin ng NVPPO na ang mga kasong coercion, resistance at cyberlibel na isinampa laban sa ilang indibidwal ay hindi umano may kaugnayan sa kanilang pagtutol sa pagmimina, kundi nag-ugat sa umano’y pagharang sa mga taong dumaraan sa isang municipal road.
Giit ng pulisya, ang pagsasampa ng mga kaso ay nakabatay sa mga nakalap na ebidensya, umiiral na batas at due process, at hindi upang patahimikin ang mga lehitimong adbokasiya.
Kasabay nito, kinilala ng NVPPO ang mga pangamba ng mga komunidad na tumututol sa malawakang operasyon ng pagmimina at tiniyak na nakahanda silang makipagdayalogo sa mga environmental groups, katutubong komunidad at civil society organizations upang mapakinggan at matugunan ang kanilang mga alalahanin.











