Patuloy ngayong Lunes, Pebrero 9, ang bentahan ng bigas sa halagang ₱20 kada kilo sa Santiago City bilang bahagi ng programa ng Food Terminal Incorporated (FTI) na layong tulungan ang mga magsasaka at iba pang sektor na higit na nangangailangan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay John Noel Lugo, Assigned Head ng FTI, sinabi niyang sinimulan ang programa noong Agosto ng nakaraang taon para sa mga magsasaka, at pinalawak noong Nobyembre 2025 upang masaklaw ang iba pang vulnerable sectors gaya ng senior citizens, solo parents, 4P’s beneficiaries, TODA members, at mga mangingisda.
Ayon kay Lugo, umaabot na sa mahigit isang libong indibidwal ang nakinabang sa naturang programa mula nang ito ay ipatupad.
Nilinaw rin niya na kinakailangang magpakita ng valid ID ang mga bibili ng bigas at dapat itong may pirma ng kasalukuyang alkalde bilang patunay na ang indibidwal ay kwalipikadong benepisyaryo ng programa.
Tinatayang dalawang daang katao kada araw ang natutulungan ng FTI. Samantala, ang mga hindi naaabot dahil sa limitasyon ng suplay ay binibigyan ng control number upang makabili sa susunod na araw.
Patuloy namang hinihikayat ng FTI ang mga kwalipikadong residente ng Santiago City na samantalahin ang programa bilang tulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.











