--Ads--

Isinagawa ng Philippine Army at ng Japan Ground Self-Defense Force (JGSDF) ang kanilang unang pinagsamang live-fire drills sa ilalim ng Exercise “Salaknib” sa lahar fields ng Colonel Ernesto Rabina Air Base, Santa Juliana, Capas, Tarlac noong Mayo 1 at 2.

Ayon kay Army spokesperson Col. Louie Dema-ala, mahigit 200 sundalo mula sa 1st Tank Battalion ang lumahok gamit ang apat na Sabrah Light Tanks, habang humigit-kumulang 40 tropa mula sa JGSDF Recon Combat Battalion, 12th Brigade ang nakibahagi gamit ang apat na Maneuver Combat Vehicles.

Ito ang unang pagkakataon na nakilahok ang Japan sa taunang ehersisyong militar. Ang live-fire drills ay isinagawa batay sa isang tactical scenario na kinabibilangan ng pagtukoy sa kalaban, pagposisyon, at tuluyang pagsira sa target. Dagdag pa ni Dema-ala, sinanay din ang mga tropa sa safety protocols gaya ng troubleshooting sa kaso ng misfire o pagkasira ng armas upang matiyak ang kaligtasan at tuloy-tuloy na operasyon.

Ang Salaknib 2026 ay direktang sumusuporta sa aktibong paglipat ng Army tungo sa External Security Operations, na nakatuon sa pinagsamang operasyon kasama ang US Army Pacific at iba pang kaalyadong hukbo. Ang susunod na yugto ng Salaknib ay nakatakdang isagawa mula Mayo hanggang Hunyo 2026, kasunod ng pagtatapos ng Exercise Balikatan sa Mayo 8.

--Ads--