--Ads--

Ibinahagi ng pamahalaang lungsod ng Cauayan ang malalaking planong pangkaunlaran na nakatuon hindi lamang sa kalusugan kundi pati na rin sa agrikultura, imprastraktura, at inobasyon sa mga susunod na taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Caesar “Jayce” Dy Jr., sinabi nito na kabilang sa mga pangunahing proyekto ang pagtatayo ng Regional Food Hub na magsisilbing sentrong pamilihan ng mga produkto ng mga magsasaka sa buong Region 2.

Layunin nitong alisin ang papel ng middleman at direktang maipagbili ng mga magsasaka ang kanilang ani sa mas mataas na presyo.

Ayon sa alkalde, ang nasabing food hub ay bahagi ng mas malawak na national project na mag-uugnay sa Clark, na magsisilbing pangunahing bagsakan ng suplay ng pagkain para sa Metro Manila.

--Ads--

Aniya, dahil sa estratehikong lokasyon ng Cauayan City, napili itong maging bahagi ng nasabing network na inaasahang makakatulong nang malaki sa sektor ng agrikultura.

Bukod dito, isinusulong din ng lungsod ang pagtatayo ng bagong government center sa bahagi ng San Luis na planong gawing isang modern at “walkable city” na may inspirasyon mula sa mga maunlad na lungsod sa ibang bansa.

Ayon pa kay Mayor Dy, ito ay bahagi ng long-term master plan na magpapatuloy kahit matapos ang kanyang termino.

Samantala, kabilang din sa mga proyektong nakatakdang simulan ang bamboo technology center, sports arena, at iba pang inisyatibo na magpapalakas sa ekonomiya at turismo ng lungsod.

Binigyang-diin ng alkalde na ang mga programang ito ay bunga ng pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at ng pambansang gobyerno upang maihatid ang mas maayos na serbisyo at oportunidad sa mga mamamayan ng Cauayan City.