Kinuwestiyon ni Senate Committee on Energy Chair Senator Erwin Tulfo ang patuloy na pagpapasa ng Meralco ng system loss charges sa mga consumer.
Ayon kay Tulfo, bahagi ng normal na operasyon ng isang negosyo ang pagharap sa mga pagkalugi at hindi dapat ipinapasa sa mga mamimili ang gastos na dulot ng technical at non-technical losses gaya ng pagkawala ng kuryente sa transmission at mga kaso ng illegal connections.
Kasunod ito ng pagdinig ng Senate Committee on Energy kung saan ibinunyag ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chairman Francis Saturnino Juan na umabot sa ₱30 bilyon ang nakolekta ng Meralco mula sa system loss charges noong nakaraang taon. Tinatayang nasa ₱45 bilyon naman ang kabuuang binayaran ng mga consumer sa buong bansa para sa naturang singil.
Samantala, iginiit ng Meralco na ang system loss charge ay isang government-regulated pass-through charge na ipinambabayad sa mga generation companies at sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), at hindi umano ito kita ng kumpanya. Ayon din sa Meralco, may itinakdang cap ang ERC sa maaaring ipasa sa mga consumer at anumang lampas dito ay sagot na ng distribution utility.
Kaugnay nito, naghain si Tulfo ng mga panukalang batas na naglalayong alisin ang system loss charges at ang ipinapataw na value-added tax (VAT) dito bilang bahagi ng hakbang upang mapababa ang singil sa kuryente ng mga konsumer.









