--Ads--

Inatasan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Manila Electric Company (Meralco) na isauli ang halos ₱1.99 bilyon sa mga konsyumer dahil sa sobrang paniningil kaugnay ng halaga ng mga ari-arian at ilang benepisyo ng mga empleyado.

Ayon sa ERC, ipatutupad ang refund sa loob ng tatlong buwan, simula sa susunod na billing cycle matapos matanggap ng Meralco ang kautusan.

Katumbas ito ng bawas na 26 centavos kada kilowatt-hour o humigit-kumulang ₱52 kada buwan para sa mga kabahayang kumokonsumo ng 200 kWh.

Makikita sa electric bill ang refund bilang hiwalay na item na may markang “RAB Refund.”

--Ads--

Nag-ugat ang kautusan sa muling pagsusuri ng ERC sa halaga ng mga ari-arian ng Meralco at sa hindi pagpapahintulot na ipasa sa mga konsyumer ang ilang gastusin sa pensyon at benepisyo ng mga empleyado.

Ayon kay ERC Chairperson Francis Saturnino Juan, layunin nitong matiyak na makatwiran lamang ang mga singil sa kuryente at maibsan ang gastusin ng mga konsyumer.

Inaprubahan ang kautusan nitong Nobyembre 26 bilang pagsunod sa desisyon ng Korte Suprema.