Nasamsam ang 139 reams ng hindi dokumentadong sigarilyo na nagkakahalaga ng ₱69,800 sa isinagawang checkpoint operation sa National Road, Barangay Tactac, Santa Fe, Nueva Vizcaya nitong Setyembre 28, 2026.
Ang operasyon na isinagawa dakong 8:30 ng umaga ay pinangunahan ng 2nd Maneuver Platoon, 205th Maneuver Company ng RMFB2, katuwang ang Santa Fe Municipal Police Station.
Pinahinto para sa beripikasyon ang isang motorized tricycle na natuklasang may kargang mga kahon ng sigarilyo na walang kaukulang dokumento.
Sa isinagawang imbentaryo, nakumpiska ang 139 reams ng Modern Cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng ₱69,800.
Batay sa imbestigasyon, nagmula sa Talavera, Nueva Ecija ang mga sigarilyo at nakatakdang dalhin sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Nasa kustodiya na ng Santa Fe Police Station ang mga nakumpiskang sigarilyo para sa kaukulang proseso at karagdagang imbestigasyon kaugnay ng posibleng paglabag sa National Internal Revenue Code.










