--Ads--

CAUAYAN CITY – Isa ang patay, apat ang nasugatan matapos mahulog sa bangin ang isang Isuzu pick-up sa kilometer 23 sa Ilagan-Divilacan road sa Sindon Bayabo, Lunsod ng Ilagan.

Ang pick-up ay minaneho ni Edma Quenangan, 33 anyos, may-asawa at residente ng Dimapula, Divilacan, Isabela at sakay sina Jeffrey Martin, Jewelrose Martin, Maricar Foronda, Luz Martinez na pawang nasa wastong taong gulang at residente ng Burgos, Isabela.

Ang dead-on-the spot ay si Gilbert Reyes, binata at residente ng Divilacan, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), binabagtas ng pick-up ang nasabing daan patungo sa timog na direksyon at nang makarating sa pababa at pakurbadang bahagi ng daan ay nawalan ng kontrol ang tsuper nito dahil nag-malfunction ang makina ng sasakyan.

--Ads--

Nahulog sila sa bangin na tinatayang nasa 50 metro ang lalim na naging dahilan para magtamo ang mga biktima ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

Dinala sa isang pribadong ospital sa Lunsod ng Ilagan ang apat na nasugatan para malapatan ng lunas.

Mapalad na hindi nasugatan ang tsuper ng pick-up na dinala na sa Ilagan City Police Station para sa pagsisiyasat at kaukulang dokumentasyon.