Hinikayat ng Philippine Army ang mga nalalabing miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) na magbalik-loob na sa pamahalaan matapos ang pagkakaaresto sa sampung aktibong miyembro at pagsuko ng dalawang mataas na opisyal ng Ilocos–Cordillera Regional Committee o ICRC noong March 11.
Sa isang press conference, sinabi nina MGen. Gulliver Señires, commander ng 5th Infantry Division, isiniwalat nito na matagal nang mino-monitor ng militar ang mga indibidwal bago ang kanilang pagkakaaresto noong umaga ng March 11.
Aniya, tuloy-tuloy ang isinagawang monitoring sa mga ito lalo na matapos ang naganap na engkwentro noong November 21 sa Pinukpok, Kalinga.
Matapos ang naturang insidente, napag-alaman ng militar na pansamantalang lumabas ng kanilang area of operation ang naturang grupo upang maglay-low dahil sa mainit na pursuit operation laban sa kanila.
Dagdag pa ng opisyal, naging tahimik umano ang mga ito sa mahabang panahon matapos ang insidente noong Nobyembre.
Sinabi rin ni Señires na sa tulong ng patuloy na monitoring, koordinasyon sa iba pang uniformed personnel kabilang ang Philippine National Police, at impormasyong ibinibigay ng mga residente na sawang-sawa na sa presensya ng mga armadong grupo, natunton ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng mga suspek.
Ayon pa sa opisyal, nagdulot din ng pagdududa sa militar kung bakit magkakasama ang mga ito nang maaresto, na posibleng indikasyon na may pinaplano ang grupo sa hinaharap.
Gayunpaman, anuman ang kanilang balak ay hindi na ito matutuloy matapos silang maaresto at ngayon ay nasa kustodiya na ng mga kapulisan.
Samantala, hinikayat din ni BGen. Dean Mark Mamaril, Commander ng 501st Infantry Brigade na isuko ang kanilang mga armas at samantalahin ang mga programang amnestiya at reintegration ng gobyerno upang makabalik sa kanilang pamilya at makiisa muli sa komunidad nang mapayapa.
Ayon kay Mamaril, sa kabila ng kanilang nakalipas na karanasan sa armadong pakikibaka, nagbago na ang panahon at ang mga komunidad sa Northern Luzon ay nagtutulungan para sa kapayapaan at kaunlaran.
Binanggit niya rin ang matagumpay na operasyon ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan, civil society, at komunidad bilang patunay ng tuloy-tuloy na paglaban sa insurgency.









