Mariing itinanggi ni Franco Mabanta, founder ng Peanut Gallery Media Network (PGMN), ang paratang na extortion kaugnay ng umano’y pagkakadawit niya sa dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa isang pahayag ng PGMN, iginiit ni Mabanta na walang katotohanan ang mga akusasyon laban sa kanya at tinawag na “setup” ang naging pag-aresto ng mga awtoridad.
“We are innocent. This was a setup,” pahayag ni Mabanta.
Ayon pa sa kanya, ang insidente ay may kaugnayan umano sa pagsisikap na pigilan ang paglalabas ng kanilang imbestigasyon tungkol sa umano’y korapsyon na may kinalaman kay Romualdez. Aniya, matagal na umanong natapos at na-edit ang kanilang 90-minutong video na naglalaman ng mga ebidensya.
“The episode was filmed several weeks ago. It has been fully edited — it is 90 minutes long, packed with hard evidence, and ready for release,” dagdag niya.
Giit pa ni Mabanta, walang naganap na extortion at wala umanong banta na ginawa ang kanilang grupo.
Ibinahagi rin niya na ilang araw bago ang pag-aresto, may ilang “malalapit na tao” umano ang nagbigay ng babala tungkol sa kanilang seguridad.
Samantala, naglabas din siya ng matapang na pahayag laban kay Romualdez, na nagsabing may mga bagay na umano itong kailangang ipaliwanag sa publiko.
Nitong Mayo 5, inaresto si Mabanta kasama ang apat pang indibidwal sa isang entrapment operation ng National Bureau of Investigation sa Pasig City.
Ayon sa mga awtoridad, humihingi umano ang grupo ng ₱350 milyon kapalit ng hindi paglalabas ng isang video na nag-uugnay kay Romualdez sa umano’y flood control scandal. Sa halip na makipag-areglo, iniulat umano ng kampo ni Romualdez ang insidente sa mga awtoridad.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa kaso habang hinihintay ang pormal na pagsasampa ng reklamo at paglilinaw mula sa magkabilang panig.








