Tinupok ng apoy ang bodega ng isang boarding house sa Ipil-Ipil Street, Barangay Rosario, Santiago City, ngayong araw, Mayo 6.
Batay sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) Santiago, sumiklab ang sunog ilang minuto bago mag-ala una ng hapon matapos makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen.
Agad na rumesponde ang mga bumbero at nagsagawa ng fire suppression operations.
Sa kanilang maagap na pagtugon, katuwang ang ilang residente, mabilis na nakontrol ang apoy at napigilan ang paglawak nito sa iba pang bahagi ng gusali.
Tinatayang labing-isang estudyante ang naninirahan sa naturang boarding house.
Sa kabila ng insidente, walang naiulat na nasawi sa insidente bagkus ay gasgas lamang ang natamo ng mga residente na tumulong sa pag-aapula ng sunog.
Ayon sa isang boarder na kinilalang si Daryl, isang criminology student at residente ng Angadanan, Isabela, nasa likurang bahagi sila ng bahay nang mangyari ang insidente.
Aniya, napansin nilang may bumubusina sa harapan ng bahay, at dito nila nalaman na may sunog na nagaganap sa bodega ng kanilang boarding house.
Dahil dito, agad nilang ginising ang kanilang mga kaboarder upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Mabilis ding inilikas ng mga residente ang kanilang mga nakaparadang motorsiklo upang hindi madamay sa sunog.
Idinagdag pa nito na bago sumiklab ang apoy ay may namataan umano siyang batang naglalaro ng lighter sa paligid.
Ayon sa kanya, ang bata ay tinatayang nasa anim na taong gulang at madalas umanong bumibisita sa boarding house.
Gayunman, hindi pa ito kumpirmado at patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang tunay na sanhi ng sunog at ang kabuuang pinsala.
Samantala, ayon sa mga opisyal ng Barangay Rosario, nasa kalagitnaan sila ng kanilang sesyon nang matanggap ang ulat hinggil sa insidente. Agad silang tumugon, subalit pagdating sa lugar ay kontrolado na ang sitwasyon.
Kasunod nito, naganap din ang hiwalay na insidente ng sunog kahapon, Mayo 5, sa Purok 6 ng parehong barangay.
Nasunog ang mga tuyong kawayan at kahoy malapit sa isang compound at sa gilid ng ilog.
Sa paunang pagsusuri, pinaniniwalaang nagsimula ito sa pagsisiga at mabilis na kumalat dahil sa tuyong kondisyon ng kapaligira
Agad na nagdulot ng alarma sa mga residente ang naturang insidente dahil sa lapit nito sa mga kabahayan.
Gayunpaman, sa pagtutulungan ng mga residente at awtoridad, agad itong naapula at walang naitalang pinsala sa mga bahay.
Muling nagpaalala ang BFP at mga opisyal ng barangay sa publiko na iwasan ang pagsisiga at ang anumang gawain na maaaring magdulot ng sunog, lalo na sa kasalukuyang mainit at tuyong panahon.
Binigyang-diin din nila ang kahalagahan ng pag-iingat at pag-iwas sa paglalaro ng apoy upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.










