Nagbigay ng paunang lunas ang sampung student nurses mula sa Our Lady of the Pillar College–Cauayan (OLPCC) sa dalawang nasugatan matapos ang banggaan ng isang traysikel at L300 van sa Barangay Burgos, Alicia noong gabi ng Hulyo 24.
Naganap ang insidente dakong alas-9:40 ng gabi habang pauwi ang mga estudyante matapos ang kanilang hospital duty sa Echague District Hospital.
Ayon kay T-Jay Melchor, lider ng grupo, nadatnan nilang sugatan ang isang babae na tinatayang nasa edad 55 hanggang 60 taong gulang at isang lalaking pasahero. Kapwa umano malay ang dalawang biktima nang kanilang datnan sa lugar.
Sinabi ni Melchor na bago pa sila dumating ay may nakatawag na ng ambulansya ngunit hindi pa ito nakararating sa pinangyarihan ng aksidente.
Agad na nagsagawa ng paunang lunas ang mga student nurses sa pamamagitan ng pagtatakip sa mga sugat gamit ang gauze pads, paglilinis ng dugo sa mga apektadong bahagi ng katawan, at pag-aalis ng mga debris sa paligid ng mga biktima. Nilimitahan din nila ang paggalaw ng mga ito habang hinihintay ang pagdating ng mga emergency responder.
Nang dumating ang rescue team, tumulong din ang mga estudyante sa ligtas na paglilipat ng mga biktima sa ambulansya at nagbigay ng kinakailangang kagamitan upang mapabilis ang pagresponde.
Kabilang sa mga student nurses na tumulong sina T-Jay T. Melchor, Julienne Zhayne G. Tamayo, Danica R. Mendoza, Zeyline G. Manuel, Achilles Abel L. Maribojo, Jhasen Althea P. Tabora, Natachia Nicole Umipig, Jamaica Mae B. Valencia, Odrizz Collong, at Ronalee Viado.











