--Ads--

Mahigit 2,000 trabaho ang inalok ng 32 local employers at tatlong overseas recruitment agencies sa isinagawang job fair sa Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director Reginald Estioco ng DOLE Isabela, sinabi nitong 306 aplikante ang nagparehistro, kung saan 26 ang na-hire on the spot, 47 ang near hires na kailangan na lamang magsumite ng ilang requirements, at 91 ang kwalipikadong aplikante.

Ayon kay Estioco, mas marami pa ring job vacancies kaysa sa bilang ng mga aplikante dahil sa sunod-sunod na job fair na isinasagawa sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan. Kabilang sa mga iniaalok na trabaho ang mga skilled positions gaya ng karpintero, driver at equipment operator, gayundin ang mga blue-collar at professional jobs para sa overseas employment.

Tiniyak din ng opisyal na lehitimo at rehistrado sa Department of Migrant Workers ang tatlong overseas recruitment agencies na lumahok sa job fair. Aniya, malaking tulong ang mga job fair upang mabawasan ang gastos ng mga naghahanap ng trabaho dahil sa isang lugar na lamang nila maaaring makausap ang iba’t ibang employer.

--Ads--

Samantala, inihayag ng DOLE Isabela na magkakaroon pa ng mga job fair sa mga bayan ng Alicia at Echague, kaya hinihikayat ang mga job seeker na abangan ang mga susunod na anunsyo ng ahensya.