Patay ang hindi bababa sa 11 pulis habang 28 iba pa ang sugatan matapos tambangan ng mga armadong kalalakihan ang isang police checkpoint sa lalawigan ng Khyber Pakhtunkhwa sa hilagang-kanlurang bahagi ng Pakistan malapit sa hangganan ng Afghanistan.
Ayon sa mga lokal na awtoridad, nagsimula ang pag-atake sa distrito ng Hangu matapos targetin ng mga salarin ang checkpoint gamit ang mga quadcopter na may dalang pampasabog bago nila ito sinalakay.
Tumagal ng ilang oras ang bakbakan sa pagitan ng mga islamist group at security forces kung saan napatay umano ang 15 sa mga suspek. Gayunman, malaki rin ang naging casualty sa hanay ng mga pulis.
Kabilang sa mga nasawi si Deputy Superintendent Diyar Khan na nanguna sa mga reinforcement na ipinadala sa lugar upang tumulong sa mga naka-duty na pulis.
Ayon naman kay District Police Officer Mujahid Hussain, sinunog ng mga armado ang tatlong sasakyan ng pulisya at tinangay pa ang isa pang police vehicle bago tumakas.
Wala pang grupong umaako sa naturang pag-atake, ngunit naganap ito ilang araw matapos ang isang suicide bombing laban sa mga sundalong Pakistani sa kalapit na distrito ng Tank na inangkin ng Tehreek-e-Taliban Pakistan o TTP.
Patuloy namang tumitindi ang karahasan sa mga lugar na malapit sa hangganan ng Pakistan at Afghanistan, kung saan madalas na target ng mga pag-atake ang mga pulis at militar.
Iginiit ng pamahalaan ng Pakistan na ginagamit umano ng mga armadong grupo ang Afghanistan bilang kanlungan para sa pagsasanay at pagpaplano ng mga pag-atake sa kanilang bansa. Itinanggi naman ito ng Taliban-led government sa Afghanistan at sinabing panloob na usapin ng Pakistan ang kaguluhan.











