Bahagyang tumaas sa 5.4 percent ang unemployment rate o antas ng kawalan ng trabaho sa Pilipinas nitong Setyembre mula sa 5.3 percent noong Agosto, batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Katumbas ito ng tinatayang 2.86 milyong Pilipinong walang trabaho, mas mataas kumpara sa 2.77 milyon noong nakaraang buwan.
Ayon sa PSA, kasabay ng pagtaas ng unemployment rate ang pagdami ng mga Pilipinong kabilang sa labor force, na umabot sa 53.19 milyon o 64.5 percent ng populasyon mula sa 52.56 milyon o 64 percent noong Agosto.
Samantala, bumaba naman sa 11 percent ang underemployment rate mula sa 11.9 percent noong Agosto, katumbas ng 5.56 milyong manggagawang naghahanap ng karagdagang trabaho o mas mahabang oras ng paggawa upang madagdagan ang kanilang kita.











