--Ads--

Iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) na umabot na sa 12 katao ang nasawi, walo ang nawawala at 11 ang nasugatan dahil sa pinagsamang epekto ng Habagat at mga Bagyong Luis at Maymay sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni OCD Assistant Secretary Laurence Mina na kabilang sa mga kumpirmadong nasawi ang dalawang residente mula sa Benguet at tatlo mula sa Rizal. Patuloy pa ring bineberipika ng mga awtoridad ang iba pang naitalang pagkamatay sa mga lugar na sinalanta ng masamang panahon.

Ayon sa OCD, karamihan sa mga biktima ay nasawi dahil sa pagguho ng lupa at pagbagsak ng mga puno na dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan at malalakas na hangin.

Patuloy naman ang validation at assessment ng mga ulat mula sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy ang kabuuang lawak ng pinsala at bilang ng mga naapektuhan ng kalamidad.

--Ads--