CAUAYAN CITY – Patay ang isang 13 anyos na binatilyo matapos ang kanilang suntukan ng kanyang kapwa menor de edad sa District 1, Cauayan City.
Ang biktima ay si John Lloyd Simon habang ang suspek ay itinago sa pangalang Totie, 13 anyos din at kapwa sila residente sa District 1, Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Totie, sinabi niya na dakong alas kuwatro y medya kahapon nang mag-away ang kanyang kapatid at kapatid ni John Lloyd dahil sa larong text.
Hinarang niya si John Lloyd at sinabihan na huwag pakialaman ang away ng kanilang mga kapatid.
Nagtalo sila at nagkaroon ng suntukan at nang maawat sila ay bumagsak sa lupa si John Lloyd.
Isinugod sa ospital ang binatilyo subalit idineklarang dead on arrival.
Sinabi ng lola ni John Lloyd na si Gng. Prima Rivera na abala siya sa gawain sa kusina nang marinig ang kaguluhan at nang lumabas siya ay nakita niyang nakahandusay na sa lupa ang kanyang apo.
Kinumpirma ng lola na may sakit sa puso ang kanyang apo mula pagkabata.
Tumigil siya sa pag-aaral dahil sa kakulangan ng gastusin.
Hangad nilang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang apo na inilarawan niyang mabait.
Isasailalim sa pagsusuri ang bangkay ng binatilyo para matukoy ang tunay na sanhi ng kanyang kamatayan.