--Ads--

Nasawi ang isang motorcycle rider matapos masangkot sa aksidente sa kahabaan ng National Highway sa Brgy. Minante 1, Cauayan City.

Sangkot sa aksidente ang isang V150 Commando armored vehicle at minamaneho ni alyas ‘Ed’, 35-anyos, miyembro ng Philippine Army at residente ng Brgy. Nagrumboan, Cauayan City. Kabilang din sa insidente ang isang single motorcycle na minamaneho ni Reginald Peralta, 42-anyos, negosyante at residente ng Brgy. Alinam, Cauayan City.

Sa isinagawang imbestigasyon, lumabas na parehong patungong Alicia, Isabela ang dalawang sasakyan kung saan nasa unahan ang armored vehicle habang sinusundan ito ng motorsiklo. Dahil umano sa malakas na ulan at madulas na kondisyon ng kalsada nang mangyari ang insidente, sinubukan umanong umiwas ng motorsiklo subalit bumangga ito sa likurang bahagi ng armored vehicle, partikular sa kanang gulong sa likuran.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang rider ng motorsiklo. Agad siyang isinugod ng Rescue 922 sa Cauayan District Hospital ngunit idineklara ring dead on arrival ng attending physician.

Samantala, nagtamo rin ng pinsala ang dalawang sasakyan na kasalukuyan pang inaalam ang halaga.

Dinala naman sa Cauayan CPS ang mga sangkot na sasakyan para sa karagdagang imbestigasyon at tamang disposisyon.

--Ads--