--Ads--

Labintatlong katao, kabilang ang tatlong opisyal ng militar, ang nasawi matapos bumagsak ang isang military plane sa Democratic Republic of Congo o DR Congo nitong Biyernes.

Ayon kay Kwango Vice Governor Remy Saki Bokinda, patungo sa kabisera ng Kinshasa mula sa southwestern city ng Kikwit ang eroplano nang makaranas ito ng technical problem at tangkaing lumapag sa Kenge, Kwango Province.

Gayunman, dahil walang landing strip sa Kenge, bumagsak ang eroplano sa isang residential area.

Kabilang sa mga sakay ang Army Auditor General na si General Likulia Bakumi, isang major, isang captain, iba pang tauhan ng militar at mga sibilyan.

--Ads--

Ayon kay Bokinda, lahat ng sakay ng eroplano ay nasawi. Labindalawa sa mga biktima ang sinasabing nasunog nang hindi na makilala, habang natagpuan naman sa labas ng aircraft ang wala nang buhay na katawan ng piloto.

Sinimulan na ng aviation accident investigation authority ng Congo ang imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagbagsak ng eroplano.

Matatandaang nakaranas ng malalaking pagkatalo ang militar ng Congo noong nakaraang taon matapos makuha ng Rwanda-backed AFC/M23 rebels ang malalawak na bahagi ng silangang rehiyon ng bansa.