Lumawak pa ang Ebola outbreak sa Democratic Republic of Congo (DR Congo) matapos maitala ang unang nasawi sa lalawigan ng Bas-Uele, ang ikaanim na lalawigang naapektuhan ng sakit.
Ayon kay Africa CDC Director-General Jean Kaseya, namatay ang isang lalaki sa lungsod ng Buta matapos bumiyahe mula sa Haut-Uele. Nagbabala siya na maaaring tumagal nang mahigit isang taon ang outbreak at maging pinakamalaki sa kasaysayan kung hindi ito mapipigilan.
Batay sa datos ng pamahalaan ng DR Congo, umabot na sa 4,566 ang kaso ng Ebola kung saan 2,128 na ang nasawi. Ang outbreak ay dulot ng Bundibugyo strain ng Ebola virus na wala pang aprubadong bakuna o gamot.
Sinabi naman ng World Health Organization (WHO) na mas mabilis ang pagkalat ng kasalukuyang outbreak kumpara sa mga nauna. Nagsimula na rin ang clinical trials ng dalawang posibleng gamot at sinusubukan na ang mga bakunang binuo laban sa naturang uri ng virus.









