Lumawak pa ang Ebola outbreak sa Democratic Republic of Congo matapos maitala ang mga kaso sa dalawang bagong health zones, ayon sa World Health Organization o WHO.
Kabilang sa mga bagong apektadong lugar ang bulu sa Sud, Ubangi province at Dungu sa Haut-uele province, na malapit sa border ng South Sudan.
Dahil dito, umabot na sa 63 health zones sa pitong probinsya ang apektado.
Ayon sa WHO, nakapagtala ang Congo ng 7,890 kumpirmadong kaso at 3,799 pagkamatay hanggang Setyembre 23.
Bagama’t bumababa ang kabuuang bilang ng mga kaso, nananatiling hindi pantay ang transmission sa iba’t ibang lugar.
Sinabi ni WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus na nakahahadlang sa contact tracing at pag-abot ng mga health worker ang patuloy na conflict at paglikas ng mga residente.
Maaari rin umanong mapataas ng overcrowding ang panganib ng transmission.
Dagdag ni Tedros, wala pang aprubadong bakuna at treatment para sa bundibugyo strain ng ebola, kaya pinabibilis ng WHO ang clinical trials para sa mga posibleng bakuna at gamot.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng paghahanda ng mga bansa laban sa mga posibleng susunod na global health emergencies.










