--Ads--

Hindi bababa sa 13 katao ang nasawi habang 75 ang nasugatan matapos tamaan ng drone strike ng Ukraine ang lungsod ng Nizhnekamsk sa Tatarstan region ng Russia.

Kabilang sa mga nasawi ang isang bata, habang 21 katao ang isinugod sa ospital dahil sa mga tinamong pinsala.

Matatagpuan ang Nizhnekamsk mahigit 1,000 kilometro sa silangan ng Moscow at dito matatagpuan ang Taneco oil refinery, isa sa pinakamalalaking pasilidad ng langis sa Russia. Inako ng sandatahang lakas ng Ukraine na target ng kanilang operasyon ang nasabing refinery.

Makikita rin sa mga kumakalat na video sa social media ang malaking sunog at makapal na usok malapit sa lugar ng oil refinery, bagamat hindi pa malinaw kung ano mismo ang tinamaan sa pag-atake.

--Ads--

Itinuturing ang insidente bilang pinakamapaminsalang pag-atake sa loob ng Russia sa nakalipas na mahigit dalawang taon. Kasabay nito, patuloy na tumitindi ang palitan ng mga drone at missile attack sa pagitan ng Russia at Ukraine, na nagdudulot ng mas maraming sibilyang nasasawi at pagkasira ng mahahalagang imprastraktura.

Samantala, apat pang katao ang nasawi sa Belgorod region ng Russia, na nasa hangganan ng Ukraine, sa magkakahiwalay na pag-atake sa nakalipas na 24 oras.