Umabot sa 134 wanted persons ang naaresto ng Isabela Police Provincial Office o IPPO sa isinagawang 134 manhunt operations sa buong lalawigan nitong buwan ng Setyembre.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Scarlette Topinio, tagapagsalita ng Isabela PPO, sinabi nito na naging matagumpay ang mga operasyon dahil sa pinaigting na pagtugis sa mga wanted person at mahigpit na pagpapatupad ng mga warrant of arrest.
Katuwang umano ng IPPO sa mga operasyon ang iba pang police units, kabilang ang Criminal Investigation and Detection Group o CIDG, Regional Intelligence Unit 2 o RIU2, Provincial Intelligence Unit at iba pang units.
Ipinaliwanag ni Topinio na malaking bahagi ng pagtukoy sa kinaroroonan ng mga wanted person ang intelligence monitoring, partikular sa mga lugar na posibleng pinupuntahan o pinagtataguan ng mga subject ng warrant.
Bukod dito, nakatutulong din umano ang mga impormasyon mula sa komunidad sa pagtunton sa ilang wanted person.
Hindi lamang aniya nakatuon sa Isabela ang pagtugis sa mga wanted person dahil nationwide ang manhunt operations ng kapulisan.
May mga pagkakataon aniya na ang mga personnel ng Isabela PPO ay nakikipag-ugnayan sa police units sa ibang rehiyon para sa pag-aresto sa mga wanted person na maaaring nagtungo sa labas ng lalawigan.
Binigyang-diin ni Topinio na patuloy na prayoridad ng kapulisan ang mga natitira pang wanted persons upang hindi na umano makagawa pa ng panibagong krimen at upang mapanagot sa mga kasong kinakaharap.











