--Ads--

Aabot sa 13,441 examinees ang inaasahang sasabak sa 2026 Bar Examinations na magsisimula ngayong araw, Setyembre 6, sa 15 local testing centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Isasagawa ang pagsusulit sa loob ng tatlong araw, ngayong Setyembre 6, 9 at 13, at gagawin ito sa digital format bilang bahagi ng paggamit ng teknolohiya ng Korte Suprema sa Bar examinations.

Pinakamarami ang testing centers sa National Capital Region na may pito, habang tig-dalawa ang nakatalaga sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Batay sa datos ng Supreme Court, 14,291 ang nagparehistro para sa pagsusulit, ngunit 13,441 lamang ang nakumpleto ang mga kinakailangang dokumento at na-clear upang makasali sa Bar examinations.

--Ads--

Nakalatag na rin ang mga hakbang sa seguridad sa 15 testing centers upang matiyak ang maayos na pagsasagawa ng tatlong araw na pagsusulit.

Tutuon naman ang mga examinee sa anim na core subject areas at kailangang sundin ang mahigpit na mga panuntunan ng Korte Suprema sa buong panahon ng pagsusulit.