--Ads--

Ibinasura ng Supreme Court of the Philippines ang petisyon para sa mandamus na inihain ni Catalino Aldea Generillo Jr., na layuning pilitin ang Senado na agad magtipon bilang impeachment court upang dinggin ang kaso laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa botong 14-0-1, sa desisyong isinulat ni Associate Justice Rodil V. Zalameda, sinabi ng Korte Suprema na hindi angkop ang mandamus sa naturang usapin dahil hindi ito maaaring gamitin upang kontrolin ang mga gawain ng Senado bilang isang kapantay na sangay ng pamahalaan.

Binigyang-diin ng Korte na ang mga aksyon ng Senado sa loob ng kanilang mandato ay hindi maaaring pakialaman ng hudikatura, maliban na lamang kung may malinaw na “grave abuse of discretion.”

Gayunman, para sa kasong ito, itinuring ng Korte ang petisyon bilang isang certiorari upang matukoy kung may nagawang ilegal o abusadong hakbang ang Senado sa hindi agarang pag-convene bilang impeachment court habang break ang sesyon nito.

--Ads--

Ayon sa Korte Suprema, kumilos ang Senado sa tamang panahon sa pagproseso ng impeachment complaint. Nilinaw rin nito na bagama’t may takdang oras para sa House of Representatives, walang espesipikong timeline ang Konstitusyon para sa pagsisimula ng impeachment trial sa Senado, at ang salitang “forthwith” ay nangangahulugang sa makatwirang panahon.

Ipinaliwanag din ng Korte na ang kahulugan ng “forthwith” ay maaaring mag-iba depende sa sitwasyon, upang mabigyan ng sapat na panahon ang Senado sa paghahanda ng impeachment court.

Sa huli, itinuring ng Korte Suprema na moot o wala nang saysay ang petisyon dahil nagsimula na ang paghahanda ng Senado at napawalang-bisa na rin ang mga Articles of Impeachment laban kay Duterte batay sa naunang desisyon ng Korte noong Hulyo 25, 2025 at resolusyon noong Enero 28, 2026.

Dahil dito, wala nang natitirang batayan upang utusan ang Senado na magtipon bilang impeachment court.