--Ads--

Pumanaw ang kilalang Nepali climber na si Nirmal “Nimsdai” Purja, na nakapagtala ng rekord sa pinakamabilis na pag-akyat sa 14 na pinakamataas na bundok sa mundo, matapos masapol ng avalanche habang nasa ekspedisyon sa Broad Peak sa Pakistan.

Kinumpirma ng kanyang expedition organizing company na Elite Exped ang pagpanaw ni Purja sa isang pahayag na inilabas nitong Sabado. Ayon sa kumpanya, nakumpirma rin ang pagkamatay ng iba pang miyembro ng ekspedisyon na nasangkot sa insidente.

Nawawala sina Purja at siyam pang climbers mula pa noong Huwebes matapos silang tamaan ng avalanche sa Broad Peak, isang 8,051 metrong bundok na itinuturing na ika-12 pinakamataas sa buong mundo at matatagpuan sa rehiyon ng Gilgit-Baltistan sa Pakistan.

Ayon sa mga awtoridad, natukoy na ang lokasyon ng mga bangkay sa pamamagitan ng drone surveillance ngunit hindi pa rin ito naaabot at naiaahon dahil sa delikadong kondisyon ng lugar.

--Ads--

Kabilang sa mga nasawi ang anim na Nepali at tig-iisang mamamayan mula sa Pakistan, Oman, Estados Unidos, at China.

Nagpahayag naman ng pakikiramay si Nepal Prime Minister Balendra Shah at binigyang-pugay ang katapangan at mga ambag ni Purja sa larangan ng mountaineering.

Naging tanyag si Purja matapos niyang maakyat ang lahat ng 14 na bundok na may taas na mahigit 8,000 metro sa loob lamang ng anim na buwan noong 2019.

Patuloy naman ang rescue at retrieval operations ng mga awtoridad upang maiahon ang mga labi ng mga nasawing climbers.