Nakatakas mula sa Bahay Pag-asa sa Cauayan City ang isang 15-anyos na Child at Risk kahapon, Hunyo 13.
Batay sa ulat, ang menor de edad na residente ng San Guillermo, Isabela ay nasa kustodiya ng Bahay Pag-asa matapos itong i-turnover ng Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO ng Quirino noong Hunyo 4.
Ayon sa report, bandang ala-1 ng hapon nitong Sabado ay humingi ng pahintulot ang nasabing menor de edad kasama ang isa pang Child at Risk upang maglaba ng kanilang mga damit sa laundry area ng pasilidad. Pinayagan sila ng duty security guard dahil nakatakda ang Sabado at Linggo bilang laundry day ng mga residente ng institusyon.
Gayunman, nang inspeksyunin ng security guard ang lugar bandang alas-2 ng hapon, nadiskubreng wala na roon ang 15-anyos na bata.
Agad na nagsagawa ng paghahanap ang mga kawani ng Bahay Pag-asa sa loob at paligid ng pasilidad ngunit hindi na nila natunton ang menor de edad.
Sa paunang imbestigasyon, pinaniniwalaang nakatakas ang bata matapos umanong tumalon sa likurang bahagi ng bakuran ng institusyon sa pagitan ng ala-1 hanggang alas-2 ng hapon ng parehong araw.
Kaagad namang iniulat ng mga personnel ang insidente sa kanilang center head upang maisagawa ang kaukulang koordinasyon at mga hakbang para sa paghahanap sa nawawalang menor de edad.
Patuloy sa kasalukuyan ang monitoring at paghahanap ng mga awtoridad upang matukoy ang kinaroroonan ng bata at matiyak ang kanyang kaligtasan.











