Tinawag na “ampaw” ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan ang mga testigong iniharap ng depensa sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, na aniya’y hindi nakapagbigay ng sapat na paliwanag upang pabulaanan ang alegasyon ng unexplained wealth ng Bise Presidente.
Ayon kay Kapunan, hindi naging kapaki-pakinabang sa panig ni Duterte ang testimonya ng tatlong testigo na sina Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin, Davao City Hall accountant Vingelin Bajan at Atty. Suzette Balucanag-Punay.
Aniya, kapansin-pansin na puro kawalan ng katiyakan ang naging sagot ng mga testigo, kabilang ang mga pahayag na “it is probable,” “it is possible” at “I don’t know.”
Sa cross-examination ni Kapunan kay Punay, inamin ng huli sa pagtatanong ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero na nag-remit ang Gencorp ng 2.14 million pesos kay Duterte, kahit hindi umano stockholder ang Bise Presidente sa nasabing kumpanya.
Duda rin si Kapunan na makatutulong sa depensa ang mga susunod na testigo na bank officials dahil limitado umano ang saklaw ng subpoena na hiniling ng legal team ni Duterte.
Kabilang din sa inaasahang ihaharap ng depensa ang isang prosecutor mula sa Quezon City, na ayon kay Kapunan ay walang malinaw na kaugnayan sa alegasyon ng unexplained wealth dahil ang subpoena ay nakatuon sa kasong grave coercion.
Dagdag pa ng abogada, wala pa ring naihaharap na sapat na ebidensya ang depensa, dahilan upang ang mga senador-hukom mismo ang naghahanap nito.











