--Ads--

Pinangangambahang nasawi ang isang 16-anyos na binatilyo matapos hindi na makaahon mula sa isang deep well kung saan siya nagtatrabaho kasama ang isang kasamahan sa Barangay Taga, Pinukpuk, Kalinga nitong Martes, Agosto 11.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Pinukpuk Police Station, naganap ang insidente bandang alas-12:30 ng tanghali at iniulat sa mga awtoridad makalipas ang halos isang oras.

Kinilala ang biktima sa alyas na “Pullat,” residente ng Barangay Junction, Pinukpuk.

Ayon sa kanyang kasama, nasa loob ng humigit-kumulang 17 metrong lalim na balon ang binatilyo upang tapusin ang kanilang trabaho nang magkaroon ng brownout na naging dahilan upang huminto ang blower na nagsusuplay ng hangin sa loob ng balon.

--Ads--

Dahil dito, sinubukan umano ng kanyang kasama na hilahin ang pulley upang mailabas ang biktima bago humingi ng tulong sa iba.

Gayunman, hindi na nakaahon ang binatilyo at nanatili sa loob ng balon sa loob ng mahigit isang oras.

Patuloy naman ang retrieval operation ng mga awtoridad upang maiahon ang biktima habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Source: Guru Press Cordillera