
CAUAYAN CITY – Nakapagtala ang Region 2 ng 16 na kaso ng delta variant ng COVID-19 kahapon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na batay sa DOH Region 2, ang 16 na kaso ng delta variant na naitala sa rehiyon kahapon ay 13 ang mula sa Isabela, 2 sa Cagayan at 1 sa Nueva Vizcaya.
Sa datos na inilabas ng Kagawaran ng Kalusugan kahapon ay pumangatlo ang rehiyon sa buong bansa sa may pinakamaraming local cases ng delta variant.
Ayon kay Dr. Baggao, nabigla sila sa naturang datos na pinakamarami ang Isabela dahil inasahan nilang mas marami ang mula sa Cagayan dahil ito ang may pinakamaraming kaso ngayon ng COVID-19 sa buong rehiyon.
Aniya, seryoso at nakakaalarma na ito kaya dapat lamang na magseryoso na rin ang mga tao sa pagsunod sa mga health protocols.
Ngayong araw ay magpupulong ang mga medical center chief sa hilagang Luzon at posibleng mapag-uusapan ang delta variant na naitala sa ikalawang rehiyon.
Kabilang din sa pag-uusapan ang mga estratehiya na ginagawa ng bawat pagamutan sa biglaang paglobo ng kaso, pangangailangan ng mga pagamutan at kung ano ang aasahang tulong mula sa DOH central office.
Sinabi ni Dr. Baggao na sa buong lambak ng Cagayan ay pinakamataas ang CVMC sa may pinakamaraming admission ng COVID-19 dahil ito rin ang may pinakamalaking bed capacity kumpara sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa lunsod ng Santiago at Region II Trauma and Medical Center (R2TMC) sa Bayombong, Nueva Vizcaya.










