Nag-install ang Barangay Calao East ng 16-kilowatt solar power system bilang tugon sa mataas na konsumo ng kuryente at upang masiguro ang tuloy-tuloy na suplay nito, lalo na sa panahon ng brownout.
Sa Panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Dennis Cardenas, sinabi nito na tuluyang naipatupad ang proyekto nitong Enero 2026 matapos itong maaprubahan noong nakaraang taon.
Binubuo ang sistema ng 29 solar panels at dalawang baterya na kayang magsuplay ng kuryente sa buong barangay hall.
Aniya, kaya ng bagong solar power system na patakbuhin ang mga ilaw at air conditioning units sa bawat silid ng gusali sakaling mawalan ng suplay ng kuryente, partikular tuwing may bagyo o brownout.
Inihayag din ng opisyal na umaabot sa tinatayang ₱20,000 ang buwanang bayarin sa kuryente ng barangay, sanhi ng paggamit ng amphitheater at iba pang pasilidad tuwing gabi.
Nauna nang may 5-kilowatt solar setup ang barangay, ngunit pinalakas at pinalaki ito sa 16 kilowatts upang mas matugunan ang pangangailangan sa kuryente at makatulong sa pagbawas ng gastusin.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Punong Barangay Dennis Cardenas ang kahalagahan ng proyekto bilang hakbang para sa mas matipid at maaasahang kuryente sa barangay hall at sa iba pang pasilidad ng Calao East.











