Nanawagan si Senate President Alan Peter Cayetano nitong Biyernes, Mayo 15, sa Office of the Ombudsman na isama rin sa preventive suspension si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag kaugnay ng insidente ng pamamaril na nagdulot ng lockdown sa Senado noong Mayo 13.
Sa isang Facebook Live, kinuwestiyon ni Cayetano ang mga ulat at salaysay na umano’y umaabot kay Pangulong Bongbong Marcos hinggil sa nangyari sa loob ng Senado.
Matatandaang nauna nang iniutos ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang anim na buwang preventive suspension laban kay Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca kaugnay ng tensyon sa pagitan ng mga tauhan ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) at mga operatiba ng NBI.
Ayon kay Cayetano, tinanggap niya nang may mabuting loob ang pahayag ng Pangulo na inutusan ang mga awtoridad na umatras, ngunit kinuwestiyon niya kung tama at kumpleto ang impormasyong natatanggap ng Malacañang.
Giit ni Aplasca, may mga NBI agent umano na nasa loob ng gusali at nagsagawa pa ng warning shot ang OSAA matapos umanong tumangging magbaba ng armas ang mga ito. Subalit mariing pinabulaanan ito ng ilang panig.
“Let me just appeal to the Ombudsman, suspend also the NBI Director because he is more of a suspect than General Mao (Aplasca) dito [sa nangyari] (in what transpired),” ayon kay Cayetano.
Binigyang-diin din niya na mahalaga hindi lamang ang magiging resulta ng imbestigasyon kundi pati ang proseso nito, at iginiit ang pangangailangan ng patas at independiyenteng pagsisiyasat.
Ayon pa sa kanya, hindi maaaring ituring na independent ang imbestigasyon kung isang panig lamang ang nasasakupan ng suspensyon habang ang kabilang panig ay nananatili sa puwesto.
Ipinunto rin ni Cayetano na nakipagtulungan ang Senado sa imbestigasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng CCTV footage at iba pang dokumento.
Dagdag pa niya, may obligasyon na agad ipaalam sa Senado ang mga detalye upang mapalitan si Aplasca at matiyak ang seguridad ng institusyon, lalo’t nakatakdang magsimula ang impeachment proceedings sa Lunes.











