--Ads--

Posibleng makaranas muli ng brownout ang mga consumer sa Luzon at Visayas ngayong Huwebes matapos magpatupad ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ng panibagong red at yellow alert dahil sa kakulangan ng suplay ng kuryente.

Sa ikalawang sunod na araw, isinailalim sa red alert ang Luzon grid mula 4 p.m. hanggang 10 p.m., habang yellow alert naman mula 3 p.m. hanggang 4 p.m. at 10 p.m. hanggang 11 p.m.

Ayon sa NGCP, nasa 12,479 megawatts ang available capacity sa Luzon, habang tinatayang aabot sa 12,595 megawatts ang peak demand.

Sa Visayas, naka-red alert mula 4 p.m. hanggang 9 p.m., at yellow alert mula 3 p.m. hanggang 4 p.m. at 9 p.m. hanggang 11 p.m., dahil sa mas mataas na demand kumpara sa suplay.

--Ads--

Paliwanag ng NGCP, nasa 5,100 megawatts ang offline dahil sa mga pumalyang planta kasabay ng mataas na konsumo ngayong tag-init, dahilan ng posibleng rotational brownout sa ilang lugar.

Noong Miyerkules, nagpatupad na ng manual load dropping ang Meralco na nagdulot ng ilang oras na pagkawala ng kuryente sa mahigit 920,000 customer sa ilang bahagi ng Luzon, na kalaunan ay unti-unting naibalik ang serbisyo.