Labingsiyam na katao ang naiulat na nasawi dulot ng epekto ng magkakasunod na tropical cyclones na sina Bagyong Mirasol, Nando, Opong, at ang Southwest Monsoon (Habagat), ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Sabado.
Sa nasabing bilang, 4 sa mga nasawi ang kumpirmado na habang 15 pa ang kasalukuyang bineberipika.
Bukod dito, 18 ang naiulat na nasugatan, kung saan 14 sa mga ito ang nakumpirma na. Samantalang 14 katao ang nawawala, na kasalukuyan ding sinasailalim sa validation.
Umabot sa 2,026,246 na indibidwal o katumbas ng 520,165 na pamilya ang naapektuhan sa 15 rehiyon, 57 probinsya, 504 lungsod at munisipalidad, at 4,219 barangay.
Ayon sa NDRRMC, 351,840 ang nawalan ng tirahan, kung saan karamihan ay pansamantalang nanunuluyan sa 1,906 evacuation centers.
Umabot naman sa 407,914 indibidwal o 114,121 pamilya ang preemptively evacuated bilang paghahanda sa epekto ng bagyo sa mga rehiyon ng Region 1, 2, 3, 5, 6, CALABARZON, MIMAROPA, CARAGA, CAR, at Negros Island Region (NIR).
Sa tala ng NDRRMC, 243 na kalsada at 46 na tulay ang naapektuhan, at 30 road sections sa Region 1 ang hindi pa rin nadadaanan hanggang nitong Sabado.
143 lungsod at munisipalidad ang nawalan ng kuryente, ngunit 105 sa mga ito ay naibalik na ang suplay.
Kabuuang 5,202 bahay ang nasira, kung saan 708 dito ay ganap na nawasak. Apektado ang mga rehiyon ng Region 1, 2, CAR, Region 3, CALABARZON, MIMAROPA, Region 5, Region 6, Region 9, at BARMM.
Tinatayang umabot sa ₱914.88 milyon ang pinsala sa agrikultura, bunsod ng 78,267.08 metriko tonelada ng nasirang ani.
Samantala, ₱822.16 milyon naman ang halaga ng nasirang imprastruktura sa mga rehiyon ng Region 1, 2, CAR, CALABARZON, MIMAROPA, Region 6, at Region 7.
Nagdeklara na ng state of calamity ang 32 lungsod at munisipalidad upang mas mabilis na maiproseso ang ayuda at rehabilitasyon sa mga apektadong lugar.
Sa kabuuang 122,800 pamilya na nangangailangan ng tulong, 84,641 na pamilya ang nabigyan na ng ayuda. Umabot sa ₱57.93 milyon ang kabuuang halaga ng naipamahaging tulong.











