Nasa 90% hanggang 95% na ang kahandaan ng Commission on Elections para sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2, 2026, ayon sa pahayag ng ahensya.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, naisakatuparan na ang pag-imprenta ng mga balota at kaunti na lamang ang mga kagamitang hinihintay pang ma-procure.
Samantala, may ilang mambabatas na nagmumungkahi ng panibagong pagpapaliban sa halalan at paggamit na lamang ng pondo nito para sa pagtugon sa krisis sa enerhiya.
Gayunman, iginiit ni Garcia na mahalagang ituloy ang regular na pagdaraos ng eleksyon upang mabigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan na panatilihin o palitan ang kanilang mga opisyal sa barangay.
“Kung kuntento kayo sa inyong opisyal, ito ay pagkakataon para i-affirm iyon. Kung hindi na, pagkakataon naman ito para palitan sila,” ani Garcia.
Nagsimula ang nationwide voter registration para sa 2026 BSKE mula Oktubre 20, 2025 hanggang Mayo 18, 2026.










