Nagbigay-pugay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lahat ng ina kasabay ng pagdiriwang ng Mother’s Day nitong Linggo.
Sa isang social media post, kinilala ng Pangulo ang kanilang pagmamahal, sakripisyo, at katatagan para sa pamilya at bayan dahilan upang ituring bilang isang mahalagang haligi ng lipunang Pilipino ang mga ina.
“Kayo ang ilaw ng tahanan at haligi ng bawat pamilyang Pilipino. Sa inyong pag-aaruga, pagtitiis, at walang kapantay na pagmamahal, mas tumatatag ang ating tahanan, komunidad, at bayan,” ani Marcos.
Taos-puso naman siyang nagpapasalamat sa walang sawang pagmamahal na iniaalay ng mga ina araw-araw para sa kanilang pamilya at sa bansa.
Kalakip ng mensahe ng Pangulo ang larawan ng kanyang asawang si Liza Araneta Marcos, kanyang inang si Imelda Marcos, at nakababatang kapatid na si Irene Marcos-Araneta. Kapansin-pansin namang wala sa larawan ang nakatatandang kapatid niyang si Senadora Imee Marcos.
Sa hiwalay namang post, pinasalamatan ng Pangulo ang kanyang asawa dahil sa patuloy nitong pag-aaruga at pagpapatatag sa kanilang pamilya.
“I have watched you love this family for years, not out of a Mother’s duty but out of a Mother’s love,” saad ni Marcos para sa Unang Ginang.Ayon pa sa Pangulo, hindi umano makahihiling ng mas mapagmahal na ina ang kanilang mga anak, at wala rin siyang mahihiling na mas mabuting katuwang sa buhay kundi si Liza Marcos.











