--Ads--

Arestado ang dalawang suspek matapos mahulihan ng tinatayang 3,000 board feet ng iligal na pinutol na kahoy na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱1.5 milyon sa Brgy. Nagsabaran, Diadi, Nueva Vizcaya.

Ayon sa imbestigasyon, nadiskubre ang mga kahoy sa isinagawang 24/7 border checkpoint ng 1st Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company. Pinara ng mga pulis ang isang kahina-hinalang trak na walang plaka at nakapatay ang ilaw habang bumibiyahe.

Sa isinagawang inspeksyon, natuklasan ang mga nakasalansang sawn lumber sa loob ng sasakyan. Nabigo rin ang drayber na magpakita ng kaukulang permit at transport documents, dahilan upang agad silang arestuhin dahil sa paglabag sa Presidential Decree 705 o Revised Forestry Code of the Philippines.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas Rommel, 50, at alyas Danny, 26, kapwa residente ng Kalinga.

--Ads--

Pinuri naman ng PRO 2 ang matagumpay na operasyon at hinikayat ang patuloy na mahigpit na pagpapatupad ng batas upang maprotektahan ang kalikasan sa Lambak ng Cagayan.

Nanawagan din ang pulisya sa publiko na makiisa sa kampanya laban sa illegal logging at maging mapagmatyag upang mapangalagaan ang likas na yaman para sa kasalukuyan at susunod na henerasyon.