Nagtamo ng mga sugat ang tatlong katao matapos masangkot sa karambola ng dalawang motorsiklo, isang tricycle at isang sasakyan sa kahabaan ng national highway sa Barangay Minante II, Cauayan City.
Batay sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, kapwa binabagtas ng isang Yamaha Sniper motorcycle, Honda Click motorcycle at tricycle ang timog na bahagi ng kalsada patungong Alicia, Isabela, habang binabaybay naman ng isang Suzuki Alto 800 o hatchback ang hilagang bahagi ng highway.
Nang makarating sa tapat ng himpilan ng Bombo Radyo Cauayan, naghahanda umanong kumaliwa ang tricycle at Honda Click kaya’t kapwa sila nagbagal ng takbo. Gayunman, bigla na lamang silang nabangga ng mabilis na paparating na Yamaha Sniper.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumumba ang Honda Click at ang tricycle, na naging dahilan upang madamay din ang kasalubong na Suzuki Alto.
Nagtamo ng mga pinsala ang rider ng Yamaha Sniper at agad siyang nilapatan ng paunang lunas ng mga rumespondeng tauhan ng Rescue 922 bago isinugod sa pagamutan.
Samantala, nagtamo naman ng minor injuries ang rider ng Honda Click at ang driver ng tricycle.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang kabuuang sanhi ng insidente.










