--Ads--

Arestado ang dalawang construction worker matapos umanong maaktuhan sa isang pot session sa Barangay Marabulig 1, Cauayan City, Isabela, nitong Oktubre 8, 2026.

Itinago ang mga naarestong suspek sa kanilang mga alyas na “Lando,” 46-anyos, may asawa, at “Gaspar,” 29-anyos, kapwa construction worker at residente ng Alicia, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Alyas Gaspar, isa sa mga naaresto, itinanggi nitong gumagamit siya ng ilegal na droga.

Ayon sakaniya, umiinom man siya ng alak at naninigarilyo, ngunit hindi umano siya gumagamit ng ilegal na droga.

--Ads--

Iginiit din niya na hindi niya umano kayang gawin ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot, lalo na’t malapit nang manganak ang kaniyang asawa.

Samantala, batay sa ulat ng Cauayan Component City Police Station, nakatanggap ang mga awtoridad ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y isinasagawang pot session sa isang bahay sa nasabing barangay.

Agad umanong nagsagawa ng surveillance at validation ang mga intelligence personnel ng pulisya.

Nang makarating sa lugar, namataan umano ng mga operatiba mula sa bukas na bintana ng bahay ang dalawang lalaki na tila nagsasagawa ng pot session.

Nagpakilala umano ang mga operatiba bilang mga pulis bago isinagawa ang pag-aresto sa dalawang suspek.

Nakumpiska sa operasyon ang isang maliit na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting crystalline substance na hinihinalang shabu, isang used aluminum foil na may residue, isang improvised rolled aluminum tooter, dalawang lighter, kabilang ang isang may rolled aluminum foil enhancer, at isang stainless scissor.

Tinatayang 0.17 gramo ang gross weight ng nakumpiskang hinihinalang shabu, na may Standard Drug Price na ₱1,156.

Dinala ang mga suspek at nakumpiskang ebidensya sa Cauayan CCPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Sections 11, 12, at 15, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.