--Ads--

Nasugatan ang dalawang driver matapos ang head-on collision ng isang Isuzu Travis at Mitsubishi Canter sa Provincial Road ng San Isidro, Isabela, matapos umanong mag-overtake ang isa sa mga sasakyan at sumalpok sa kasalubong na truck, nitong hapon ng Hulyo 16.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Ana Marie Anog, Acting Chief of Police ng San Isidro Police Station, sinabi nitong nangyari ang aksidente bandang alas-3:40 ng hapon kahapon, matapos silang makatanggap ng tawag sa cellphone hinggil sa insidente.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya at sa salaysay ng mga testigo, nagtangkang mag-overtake ang Isuzu Travis sa sinusundan nitong sasakyan ngunit hindi nito napansin na may paparating na Mitsubishi Canter sa kabilang linya ng kalsada, dahilan upang magbanggaan ang dalawang sasakyan.

Ayon kay PCapt. Anog, mabilis umano ang takbo ng Isuzu Travis habang ang Mitsubishi Canter ay bumibiyahe patungong Alicia, Isabela samantalang ang Isuzu Travis naman ay patungo sa loob ng bayan ng San Isidro.

--Ads--

Dahil sa lakas ng salpukan, nagtamo ng matinding pinsala ang harapang bahagi ng dalawang sasakyan habang parehong nagtamo ng pinsala sa ibabang bahagi ng kanilang katawan ang dalawang driver.

Agad namang rumesponde ang Rescue Team ng San Isidro ngunit humingi rin ng tulong sa Rescue Unit ng Echague na may kumpletong kagamitan para sa pagkuha o pag-extract sa mga biktimang naipit sa sasakyan.

Bagama’t nakitaan ng brake marks ang Mitsubishi Canter sa kalsada, sinabi ng pulisya na hindi na rin nito naiwasan ang banggaan dahil sa biglaang pagpasok ng Isuzu Travis sa kasalubong na linya.

Dagdag pa ni PCapt. Anog, tuwid at two-way ang naturang kalsada kaya muling pinaalalahanan ang mga motorista na tiyaking ligtas ang pag-overtake at huwag magpatakbo nang mabilis upang maiwasan ang kaparehong aksidente.